Isa pang kumpanya ng langis, nagdagdag ng halos P60 sa presyo ng LPG

LPGBig-time na dagdag-presyo sa cooking gas o LPG ang isinalubong ng mga kumpanya ng langis sa consumers ngayong Pebrero 2017.

Epektibo ngayong alas 6:00 ng umaga, nagdagdag na rin ng halos P60 na dagdag sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas ang kumpanyang Eastern Petroleum.

Ayon sa nasabing kumpanya, P5.30 kada kilo ang nadagdag sa kanilang EC Gas o katumbas ng P58.30 na dagdag sa kada 11-kilogram cylinder.

Kahapon, unang araw sa buwan ng Pebrero, nagpatupad ng parehong halaga ng dagdag-presyo ang kumpanyang Petron sa kanilang LPG at tatlong pisong dagdag sa kada litro ng kanilang AutoLPG.

Habang ang kumpanyang Solane naman ay may dagdag na P4.87 sa kada kilo o P53.57 na dagdag sa bawat 11-kilogram LPG cylinder.

Samantala ang kumpanyang Unioil ay nag-anunsyo na rin ng dagdag sa presyo ng kanilang autoLPG.

Magdaragdag ang Unioil ng P3 sa kada litro ng autoLPG, epektibo bukas February 3, alas 6:01 ng umaga.

Read more...