Ayon kay Acop na chairman ng House committee on public order and safety, kailangang silipin ng mga imbestigador ang iba pang anggulo kung bakit tinarget ng mga suspek na sina Supt. Rafael Dumlao III at SPO3 Ricky Sta. Isabel si Jee.
Giit ni Acop, paanong magiging kidnapping ang ginawa kay Jee, gayong pinatay rin ang biktima sa mismong gabi kung kailan siya dinukot.
Aniya, dapat silipin ng mga otoridad ang negosyo ni Jee na manpower services pagkatapos niyang magbitiw sa pwesto bilang isang executive sa kumpanyang Hanjin.
Isa pa naman sa mga sinisilip ng mga imbestigador ay ang kontrata ni Jee na pagsu-supply ng manpower sa online casino games.
Ayon naman sa isang source ng Inquirer, biktima umano si Jee ng protection raket na pinapatakbo ng isang tiwaling tauhan ng NBI para sa mga online gaming operators.
Tumanggi umanong magbigay ng suhol si Jee kaya siya tinarget na patayin.