Peace talks sa NDFP, tuloy pa rin kahit bawiin ng NPA ang unilateral ceasefire

 

Tiniyak ni government chief negotiator at Labor Sec. Silvestre Bello III na isusulong pa rin nila ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), kahit na babawiin na ng New People’s Army (NPA) ang kanilang idineklarang unilateral ceasefire.

Matatandaang inanunsyo ng tagapagsalita ng NPA na si Ka Oris na puputulin na nila ang kanilang unilateral ceasefire simula sa February 10, dahil anila sa kabiguan ng pamahalaan na sundin ang kanilang kondisyon na pakawalan ang mga political prisoners.

Ayon kay Bello, isang “unpleasant surprise” ang pag-bawi ng NPA sa kanilang ceasefire, lalo’t nakatakda pang magkita ang magkabilang panig sa The Netherlands para pag-usapan ang bilateral ceasefire sa February 22 hanggang 25.

Sa kabila nito, kukumbinsihin ni Bello si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag bawiin ang unilateral ceasefire ng gobyerno laban sa NPA, dahil naniniwala naman siyang handa pa rin ang NDFP na ikunsidera ang pagbuo ng bilateral ceasefire.

Sa punto pa lang aniya na pumayag ang mga ito na ituloy ang pulong nila sa buwang ito ay isang indikasyon na handa silang pag-usapan ang bilateral ceasefire.

Nananatili rin naman aniya ang kumpyansa ng pamahalaan sa negotiating panel ng NDFP sa kabila ng patuloy na pag-atake ng mga rebeldeng NPA kahit umiiral pa ang ceasefire.

Samantala, sinabi rin ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na pursigido pa rin naman si Pangulong Duterte na ituloy ang peace talks.

Ipapakita pa rin aniya ng pangulo sa rebeldeng grupo na malakas ang kaniyang political will na makamit ang kapayapaan sa Mindanao.

Read more...