Ipinagkibit-balikat lang ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang report ng Amnesty International laban sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Tinawag pa ni Aguirre na peke ang nasabing report na nagsasabing maaring maituring na crimes against humanity ang pagpatay ng mga pulis ng libu-libong drug suspects sa ilalim ng giyera ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ayon kay Aguirre, paanong matatawag na crimes against humanity ang drug war ng pamahalaan kung tanging mga drug lords at drug pushers lang naman ang kanilang mga kalaban.
Aniya pa, hindi na maituturing na tao o hindi na ikinukunsiderang bahagi ng “humanity” ang mga kriminal na ito.
Dati na ring nagpahayag ng parehong saloobin si Pangulong Duterte tungkol sa mga kriminal.
Noong Agosto ng nakaraang taon, kinwestyon ni Duterte ang kahulugan ng “human being” para sa kaniyang mga kritiko dahil hindi na aniya maituturing na tao ang mga drug suspects kaya hindi rin aniya masasabing “crime against humanity” ang kaniyang kampanya kontra droga.