Push-up at katakut-takot na sermon at mura ang inabot ng pitong pulis pulis Angeles City police mula kay PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Ito’y makaraang personal na puntahan ni Dela Rosa ang mga naturang pulis upang komprontahin matapos masangkot sa pangongotong sa tatlong South Korean.
Galit na galit si Dela Rosa habang pinapagalitan ang mga pulis at pinagbantaang paparusahan ng tuluyan kung mapapatunayang sangkot pa ang mga ito sa iba pang kaso ng robbery-extortion.
Kabilang sa mga napilitang mag-push up sina PO3 Arnold Nagayo, Roentjen Domingo at Gomerson Evangelista; PO2 Richard King Agapito at Ruben Rodriguez; at sina PO1 Jayson Ibe at Mark Joseph Pineda.
Kung siya aniya ang masusunod, mas gugustuhin niyang isalang sa firing squad ang mga naturang alagad ng batas dahil sa kahihiyang ibinigay nito sa kanilang suot na uniporme.
Matatandaang sinibak na sa kanilang puwesto ang pitong pulis matapos masangkot sa ‘hulidap’sa tatlong South Korean noon Disyembre.
Nakunan pa ng video ang paghablot ng mga pulis at pagtangay sa mga gamit nito sa loob ng kanilang tinitirhang bahay nang walang makitang droga dito.
Pinalaya lamang ang tatlong Koreano makaraang magbayad ng P300,000 ng mga ito sa pamamagitan ng isang kaibigan.