Isinama na rin ng Department of Justice bilang respondent sa reklamong pagdukot at pagpatay sa Korean National na si Jee Ick Joo si Supt. Rafael Dumlao na team leader mula sa binuwag na PNP-Anti Illegal Drugs Group.
Base sa ipinalabas na mga subpoena ni Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Naverra na hahawak ng reinvestigation na iniutos ng Angeles City Regional Trial Court Branch 58.
Bukod kay Dumlao, respondent na rin reklamong kidnapping for ransom at serious illegal detention si Jerry Omlang na runner o volunteer sa National Bureau of Investigation Headquarters na umaming kinausap ni SPO3 Ricky Sta Isabel para isakatuparan ang operasyon kay Jee.
Kasama rin sa reklamo ang dating pulis na si Gerardo Santiago na may-ari ng Gream Funeral Parlor na pinagdalhan sa bangkay ni Jee.
Sabit rin sa kaso si Christopher Alan Gruenberg na may-ari ng kotse na kasama umano sa convoy nang dukutin si Jee sa Angeles City.
Ipinapatawag din sa pagdinig ang iba pang respondent na sina: Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, SPO4 Ramon Yalung at PO2 Christopher Baldovino.
Maging ang kasambahay ni Jee na si Marisa Dawis Morquicho, asawa ni Jee na si Choi Kyung Jin at mga myembro ng PNP-Anti Kidnapping Group na sina Senior Supt. Glenn Dumlao, SPO3 Reynaldo Curampez at Senior Inspector Jonathan Rabanal ay pinapasipot din ng DOJ sa reinvestigation.
Ang pagdinig ay muling itinakda ng DOJ sa February 3, araw ng Biyernes ganap na alas-dos ng hapon.