Nakuha ng Office of the Vice President ang pinakamababang posisyon sa ranking ng 64 na ahensya ng gobyerno ayon sa Second Semester 2015 Makati Business Club (MBC) Executive Outlook Survey.
Ang nasabing opisina na nakakuha ng -76.3 net satisfaction rating mula sa mga negosyante ay bumaba ng 31 na pwesto mula sa dati nitong kinalalagyan noong nakaraang taon.
Ayon kay MBC Executive Director Peter Angelo V. Perfecto, ang labis na humatak sa pwesto nito sa survey ay ang mga kaso ng katiwalian kina Vice President Jejomar Binay at sa kaniyang anak na si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay Jr.
Dagdag ni Perfecto, dismayado ang mga negosyante dahil aniya, inaasahan nilang ang Bise Presidente ay dapat na katuwang at isa sa mga namumuno sa pag-sugpo ng korapsyon at hindi bilang kasangkot, lalo pa’t ang isyung ito ang isa sa mga pangunahing isinasaalang-alang ng mga negosyante sa pagtatayo ng negosyo sa Pilipinas.
Kasama ng OVP sa pinakababa sa listahan ay ang Department of Transportation and Communications sa ika-63 na pwesto na may -61.9 na net satisfaction rating; ika-62 naman ang Bureau of Customs sa -55.6 na rating at ang Energy Regulatory Commission sa ika-60 na pwesto na humakot naman ng -42.4 na rating.
Samantala kabilang naman sa mga umangat sa puwesto ang Senado na umakyat ng 26 na pwesto at ngayo’y nasa ika-36 na sa listahan at ang Kongreso na umakyat ng 13 na pwesto at nasa ika-48 na ngayon sa listahan.
Kasama rin ang Department of Trade and Industry, Board of Investments, Office of the Ombudsman, at ang Department of Budget and Management, na pare-parehong umungos ng 11 na pwesto mula sa dati nitong mga ranggo.
Ang mga resulta ng MBC survey ay may malaking pagkaka-taliwas sa mga resulta ng SWS satisfaction survey kung saan lumabas ang “good” +42 satisfaction rating kay VP Binay mula sa +31 points nito noong Marso./Kathleen Betina Aenlle