Tinatayang aabot sa milyong pisong halaga ng mga smuggled na mamahaling cellphone at laptop ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa isinagawang pagsalakay sa isang gusali sa Lakandula St., Tondo, Maynila.
Ayon kay Customs Spokesperson Niel Anthony Estrella, nakatanggap sila ng ulat na nagbebenta ng mga mamahaling imported gadgets ang isang online shop sa lugar dahilan upang magsagawa ng raid ang kanyang mga tauhan.
Kabilang sa mga nakumpiska mula sa Kim Store ay mga Iphone 7, Macbook laptop, Galaxy cellular phones S7 series, camera, tablet at maraming iba pa.
Pag-aari aniya ng isang alyas Francis, isang Filipino-Chinese ang nasabing tindahan.
Nabigo aniyang makapagprisinta ng mga importation documents ang mga tauhan ng nasabing online shop.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng mga tauhan ng adwana sa bias ng “warrant and seizure and detention” na ipinalabas ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ang mga nakumpiskang kontrabando ay pansamantalang ikinandado ng Customs sa Kim Store na bantay sarado sa mga tauhan ng adwana.