Ito’y matapos batikusin ni Yates ang constitutionality ng kontrobersyal na refugee at immigration ban na ipinatupad ni Trump sa pamamagitan ng kaniyang executive order.
Tumindi ang tensyon sa pagitan ng bagong pangulo ng US at ng Democratic appointee nang kwestyunin ni Yates ang EO ni Trump na nagpahinto sa buong US refugee program at ipinagbawal ang pagpasok ng mga taong magmumula sa pitong Muslim-majority na mga bansa sa loob ng 90 araw.
Tinanggal ni Trump sa pwesto si Yates ilang oras lang matapos itong maglabas ng direktiba sa mga abogado ng Justice Department na huwag depensahan ang naturang executive order.
Ito aniya ay dahil hindi siya kumbinsidong “lawful” ang nasabing EO at na nakahanay pa rin ito sa obligasyon ng kanilang ahensya na tumayo at manindigan para sa tama.
Sinundan ito ng pahayag ni Trump na inaakusahan si Yates ng pagtataksil sa Department of Justice sa pamamagitan ng pagtanggi na ipatupad ang isang legal order na naglalayong protektahan ang mga mamamayan ng United States.
Agad namang itinalaga ni Trump si Dana Boente na US Attorney for Eastern District of Virginia bilang kapalit ni Yates.
Samantala, nilinaw naman ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na ang kautusan ni Trump ay hindi nag-uugat sa racism, kundi para sa pagtugon sa kanilang national security concerns.
Ayon kay Kim, batid nilang marami ang naguguluhan at nagtatanong tungkol sa lawig ng nasabing executive order, pero umaasa siyang maliliwanagan rin ang mga tao sa mga susunod pang araw.
Giit ni Kim, ginawa ito ni Trump dahil sa mga problema sa national security ng US at hindi dahil sa racism o “unfair prejudice.”
Sinasalamin lang aniya nito ang pagsusulong ng kanilang administrasyon na unahin ang kaligtasan ng kanilang mga mamamayan at ng mga naninirahan ngayon sa US.