Gagawin nang 24 oras araw-araw ang konstruksyon ng mga imprastraktura ng pamahalaan para mapabilis ang pagtatapos ng mga ito at magamit agad.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia, sisimulan na nila at ng ibang mga kaugnay na ahensya ang ganitong sistema tulad ng unang inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Noong Agosto ng nakaraang taon, inanunsyo ni DPWH Sec. Mark Villar ang 24/7 construction partikular sa mga proyekto ng kagawaran sa Metro Manila.
Ayon kay Pernia, nagpapalitan sa tatlong shifts ang mga construction workers upang matapos sa nakatakdang panahon, ang mga proyekto ng pamahalaan o mas mabilis pa.
Nilinaw naman niya na hindi lang ito sa Metro Manila gagawin, kundi pati sa ibang mga rehiyon.
Ibinunyag niya rin ang malalaking proyektong dapat abangan ng mga Pilipino, tulad ng pagpapaganda at expansion ng mga paliparan sa Davao, Laguindingan sa Cagayan de Oro, Iloilo at Bacolod.