Humingi ng paumanhin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa dalawang senador na kanyang inakusahang sangkot sa P50 million bribery sa Bureau of Immigration.
Sa pagdinig sa Senado ay nag-sorry si Aguirre kay Sen. Francis Pangilinan matapos komprontahin ng senador ang kalihim tungkol sa kanyang alegasyon.
Unang sinabi ni Aguirre na nag-alok umano sina Senators Pangilinan, Leila de Lima at Antonio Trillanes ng immunity sa ilang dawit sa panunuhol.
Pero matapos kumpirmahin sa kanyang sources, inamin ni Aguirre na nagkamali siya sa pagkaladkad sa pangalan ni Pangilinan.
Dahil dito ay nag-demand din si De Lima ng apology mula kay Aguirre na unang sinabi na kinukumpirma pa ang pagkasangkot ng senadora.
Dahil itinanggi ni De Lima na sangkot siya sa BI bribery, tinanong ni Sen. Richard Gordon kung hihingi na ng paumanhin si Aguirre kay De Lima, bagay na ginawa naman ng kalihim.