Suportado ng Malacañang ang imbestigasyong isinasagawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paglaganap ng fake tax stamps na umano’y kinasasangkutan ng Bulacan-based cigarette company na Mighty Corporation.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, inatasan niya ang APO Production Unit – ang imprentang gumagawa ng cigarette tax stamps – na makipagtulungan sa BIR.
Layon ng imbestigasyon na sugpuin ang paglaganap ng pekeng selyo ng sigarilyo dahil higit sampung-bilyong piso ang umano’y nawawala sa pamahalaan taun-taon.
“PCOO, through APO Production Unit’s Chairman Mike Dalumpines has been working closely with BIR to get to the bottom of the alleged (Mighty Corp.) cigarette tax stamp scam,” sabi ni Andanar sa isang text message.
Una rito, inutos ni BIR Commissioner Caesar Dulay ang imbestigasyon konta Mighty Corp. dahil sa umano’y paggamit nito ng pekeng tax stamps.
Agad naman itong sinuportahan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nag-utos rin na higpitan ang monitoring, enforcement at collection ng buwis mula sa mga kumpanya ng sigarilyo.
Ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailangang tumaas ang koleksyon ng buwis para makatulong sa bansa at mapondohan ang mga proyekto na tinutulak ng iba’t ibang ahensya tulad ng DPWH at DOTr.