Transparency group, nanawagan sa PNP na busisiin at ibulgar ang SALN ng mga opisyal

FATE LogoMakaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon sa lahat ng mga pulis na may kaso na na-reinstate, nanawagan ang isang transparency group sa Philippine National Police (PNP) na huwag ring palampasin ang kanilang mga matataas na opisyal na dapat busisisin ang mga “State of Assets and Liabilities (SALN)”.

Pinuri ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) ang aksyon ng Pangulo at PNP sa pagtutok sa paglilinis sa kanilang hanay makaraang ipag-utos ni Duterte ang pagtukoy sa mga pulis na may mga criminal records at kung paano nakabalik sa posisyon ngunit hindi rin umano dapat sa mga mababang ranggo tumutok ang pamahalaan.

Sinabi ni FATE spokesperson Jo Perez na upang ipakita na patas at transparent ang pamunuan ng PNP, nararapat rin na magpa-lifestyle check ang mga opisyal mula sa ranggong Police Inspectors hanggang sa Director General na hawak ni PNP Chief, Bato Dela Rosa. Dapat rin umanong isiwalat ng PNP ang resulta nito lalo na ang mga opisyal na may malaking itinalon sa kanilang SALN na hindi naman makapagpakita ng sapat na dahilan kung paano nakuha ang kayamanan o ari-arian.

“Dapat maging patas ang PNP sa kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa lifestyle check upang maipakita na wala silang kinikilingan at magsilbing ehemplo sa kanilang mga tauhan,” ayon kay Perez.

Ito ay makaraan na matuklasan na aabot sa P17.3 milyon ang net worth ni SPO3 Ricky Sta. Isabel base sa kanyang SALN na nabulgar lamang makaraang masangkot sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo.

Matatandaan rin na nabulgar noong nakaraang administrasyong Aquino ang napakaraming ari-arian ni dating PNP Chief, Director General Alan Purisima kabilang ang ilang rest house, mga magagarang sasakyan at mga lupain.

Pinaalalahanan ng FATE ang mga opisyal ng PNP na may sinumpaan silang tungkulin nang magtapos sila sa Philippine Military Academy at PNP Academy na magiging tapat at may integridad sa pagseserbisyo sa mamamayan.

Read more...