Kumonti ang mga pamilyang Pilipino na nabibiktima ng krimen sa nakalipas na anim na buwan ng administrasyong Duterte ayon sa bagong Social Weather Stations survey.
Pero lumabas din sa SWS survey na tumaas ang pakiramdam na takot ng mga pinoy na hindi na ligtas ang kanilang kapaligiran.
Sa survey na ginawa mula December 3 hanggang 6 noong nakaraang taon, 4.5 percent ng 1,500 respondents o nasa 2.8 milyong pamilya ang nagsabi na nabiktima sila ng pagnanakaw, burglary o break-in o carnapping sa nakalipas na anim na buwan.
Ito ay bagong record low o mas mababa sa nakalipas na record na 5.5 percent na “victimization by property crimes” noong March at June 2015 at 1.9 percent na mababa kumpara sa 6.4 percent noong September 2016.
Ayon sa SWS, record low din ang average annual reading ng naranasang property crime noong nakaraang taon mula sa dating record na 6.2 percent noong 2015.
Pero lumabas din sa parehong survey na 52 percent ng mga pamilyang Pilipino ang natatakot na marami na ang mga adik sa droga sa kanilang komunidad.
Apat na puntos itong mababa kaysa sa 56 percent noong Setyembre pero ang annual reading nito ay nasa record high na 56.3 percent, walong puntos na mataas sa 48.3 percent noong 2015.