Partikular na binanggit ni Duterte na ginagawa umano ito ng Estados Unidos sa ilang lugar sa Palawan, Cagayan de Oro at Pampanga.
Ayon kay AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla, posibleng base sa lumang impormasyon ang nabanggit ng pangulo tungkol sa mga dating military exercises.
Sinilip agad aniya ng AFP ang kanilang mga impormasyon matapos itong sabihin ng pangulo sa harap ng mga media, at napag-alaman nilang wala namang kumpirmadong insidente na katulad ng nabanggit ni Duterte.
Base aniya sa mga natanggap nilang impormasyon at report, walang ganoong nakuha sa mga nabanggit na lugar ng pangulo.
Maari aniyang ang tinutukoy ni Duterte ay ang mga nagdaang military drills, tulad ng nakaraang taon kung saan pinayagan ang US na magbaba ng kanilang tangke sa Subic Bay na gagamitin sa malakihang military exercises.
Sa press conference ng pangulo kamakalawa, binalaan ni Duterte ang US na huwag magbagsak ng mga armas sa Pilipinas.
Nilinaw rin ni Padilla na sa ilalim ng 2014 Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA), pinapayagan ang pagtatayo ng mga pasilidad na naglalayong gawing handa ang bansa sa pagresponde sa mga panahon ng sakuna.
Kaya naman kung may itatayo man aniyang warehouse o imbakan ng mga bagay, lahat ng ilalagay aniya dito ay maaring gamitin sa humanitarian assistance and disaster response (HADR) situations.