2 sundalo patay sa pag-atake ng NPA sa Isabela

 

Mula sa Google Maps

Patay ang dalawang sundalo sa isinagawang pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa boundary ng Brgy. Benguet at Brgy. Mabbayad sa Echague,  Isabela.

Sa ngayon ay hindi muna pinapangalanan ng 5th Infantry Division sa bayan ng Gamu ang mga nasawing sundalo dahil hindi pa nila naipapaalam sa mga pamilya ng mga ito ang nangyari.

Base sa mga ulat ng militar, kasama ng mga nasawing sundalo sina Brgy. Benguet chairman Rafael Guinanoy, barangay secretary Joji Ferrer at kagawad Rudy Acasio nang tambangan sila ng mga armadong kalalakihan alas-8:00 ng umaga, Lunes.

Iniimbestigahan na ng 502nd Infantry Brigade at Philippine National Police (PNP) Scene of the Crime Operatives ang pinangyarihan ng pananambang.

Naglunsad na rin ang 86th Infantry Battalion ng pursuit operations laban sa mga armadong kalalakihan na nasa likod ng pag-atake.

Kamakailan lang ay nagtipun-tipon sa Rome ang mga kinatawan ng government peace panel at ng National Democratic Front of the Philippines para sa pagpapatuloy ng peace talks.

Kabilang sa kanilang mga tinatalakay ay ang pagbuo ng joint ceasefire agreement.

Read more...