PNP-AIDG chief sa pagkakabuwag ng kanyang ahensya: ‘Nakapanghihinayang’

 

Inquirer file photo

Hindi itinanggi ng dating hepe ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) Sr. Supt. Alberto Ferro na sumama ang kanyang loob sa ginawang pagbuwag sa ahensya na kanyang pinamunuan.

Paliwanag ni Ferro, nakakapanghinayang ang mga malalaking accomplishments ng AIDG sa kampanya laban sa ilegal na droga na nasira lamang dahil sa kalokohan ng iilang pulis.

Kabilang sa ipinagmamalaking mga napagtagumpayan ng liderato ni Ferro ang pagkakahuli sa kilabot na drug lord na si Kerwin Espinosa na dinayo pa sa Abu Dhabi, UAE at pagkakadiskubre sa mega shabu laboratory sa Pampanga at Cauayan, Isabela.

Gayun pa man, iginiit ni Ferro na nirerespeto nila ang kautusan ni Pangulong Duterte habang ngayon ay hindi pa matiyak kung saan sya ipupwesto ni CPNP Ronald Bato dela Rosa.

Samantala, nag-alsa balutan na ang mga personnel ng PNP-AIDG sa kanilang opisina sa Kampo Crame matapos na ipag-utos ni Chief PNP Ronald Bato dela Rosa ang pagbuwag sa AIDG.

Ayon kay Sr. Supt. Albert Ferro, hepe ng AIDG, sa ngayon ay iniimbentaryo na nila ang mga kaso na nakabinbin laban sa mga high- value drug suspects na nasampahan na nila ng kaso

Sa ngayon mayroon silang 568 na mga kaso nakabinbin sa husgado habang mayroon naman 7 mga detainees nakapiit sa AIDG detention center.

Kaugnay nito, nakatakdang magsumite ang AIDG ng kanilang urgent motion for issuance of commitment sa korte para sa nabanggit na 7 mga detainees na nakapiit sa kanilang detention facility.

Bagaman dismayado dahil sa maituturing na mga accomplishments ng AIDG, wala umanong magagawa si Ferro sa naging desisyon ni CPNP Bato at ni Pangulong Duterte.

Read more...