Pinagbigyan ng Pampanga Regional Trial Court Branch 58 ang hiling ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na mailipat sa National Bureau of Investigation, mula sa headquarters ng PNP sa Camp Crame.
Si Sta. Isabel ay isa sa mga pulis na umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo noong October 18, 2016.
Ipinag-utos ni Angeles City, Pampanga RTC Judge Irineo Pangilinan Jr. ang paglilipat kay Sta. Isabel sa NBI mula sa PNp Custodial Center.
Sa kanyang mosyon, sinabi ni Sta. Isabel na nangangamba siya sa kanyang kaligtasan sa loob ng Camp Crame matapos niyang isangkot ang iba pang ranking police officers sa pagpaslang kay Jee.
Nakasaad din sa mosyon ni Sta. Isabel na patuloy siyang nakatatanggap ng mga death threat.
Sinabi ni Judge Pangilinan, mas magiging ligtas si Sta. Isabel sa kustodiya ng NBI kesa sa PNP lalo pa’t sangkot din sa kaso ang ilan pang high ranking officials na konektado pa rin ngayon sa PNP organization.
Kinasuhan sina Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Ramon Yalung at apat na iba pa ng kidnapping for ransom with homicide dahil sa pagpatay kay Jee.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Villegas habang si Yalung naman ay nakadetine na sa Angeles City jail.