Aabot sa 15 teroristang kasama ni Abu Sayyaf group leader, at ngayo’y pinuno na rin umano ng sangay ng Islamic State group dito sa bansa na si Isnilon Hapilon ang napatay sa opensiba ng militar sa Butig, Lanao del Sur na nagsimula noong Biyernes.
Pinasabugan kasi ng mga militar ang lugar na pinagtataguan ni Hapilon at ng kasama niyang mga terorista sa naturang bayan sa Lanao del Sur.
Kinumpirma mismo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs chief Col. Edgard Arevalo na ang mga nasawing terorista ay pawang mga miyembro ng Abu Sayyaf group na pinamumunuan ni Hapilon, at ng Maute group.
Kabilang sa mga nasawi ay isang Indonesian na kinilala lang sa alyas na Mohisen, habang dalawang lokal na terorista naman ang nasugatan kabilang na ang isang Sahl Num.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, malubhang nasugatan si Hapilon dahil sa isinagawang opensiba ng militar.
Posible ring ikasawi ni Hapilon ang mga natamo niyang sugat dahil ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, kakailanganin nito na masalinan ng dugo at kung hindi siya mabibigyan ng atensyong medikal, maari siyang bumigay.