Inalis na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang una niyang itinakdang deadline para sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Sa simula pa lang ng kaniyang kampanya sa pagka-pangulo, sinabi na ni Duterte na pupuksain niya ang problema ng paglaganap ng iligal na droga sa loob ng anim na buwan oras na siya ay maupo.
Pagdating naman ng Setyembre, humingi naman ang pangulo ng karagdagang anim na buwan para maisakatuparan ang kaniyang pangako.
Ngunit sa pagharap niya sa media kaninang madaling araw sa Malacañang, sinabi ng pangulo na pahahabain niya ang giyera ng pamahalaan kontra droga hanggang sa matapos ang kaniyang anim na taong termino.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit pitong milyong mga bahay na ang nabisita ng mga pulis sa ilalim ng “Oplan Tokhang,” habang umabot naman na as 1,098,479 ang bilang ng mga drug personalities ang sumuko sa mga otoridad.
Mayroon naman nang kabuuang 2,548 na drug suspects ang napatay, habang 52,877 naman ang naaresto sa mga anti-illegal drugs operations ng pulisya.