Pilipinas, humingi na ng tulong sa China upang supilin ang terorismo sa Mindanao

 

Humingi na ng tulong ang gobyerno ng Pilipinas sa China upang masupil ang terorismo sa rehiyon ng Mindanao.

Ito ang kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pagtukoy nito na isa ang itinuturing na lider o ‘top honcho’ ng ISIS ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon dito sa bansa.

Aniya, malaki ang kanyang pangamba sa ‘extremism’ dahil gumagamit ang mga ito ng mga improvised explosive device (IED) sa paghahasik ng lagim tulad ng nangyari sa Davao City night market noong nakaraang taon.

Ito aniya ang dahilan kaya’t kanyang ipinag-utos na ang pagsasagawa ng ‘full-press’ military operation laban sa grupo sa Lanao upang matigil na ang paghahasik ng terorismo ng mga ito at upang hindi na kumalat pa sa ibang lugar.

Inatasan na rin ng pangulo ang AFP na gamitin ang lahat ng kagamitan nito at puwersa upang masupil ang terror group.

Samantala, sinabi rin ng pangulo na nagpahatid na siya ng ‘urgent message’ sa China upang tulungan siyang mapigil ang terorismo sa Pilipinas.

Hiling aniya niya sa China, sakaling may mga ‘precision-guided na armas ang mga ito, maaring ipahiram sa Pilipinas upang magamit kontra sa mga bandido at terorista na nagkukubli sa Mindanao.

‘I have an urgent message to China to help us. Kung meron silang mga precision guided arms, they can give us a loan…’ dagdag pa ng Pangulo.

Read more...