Kung ayaw ni Trump; mga refugees, ‘welcome’ naman sa Canada-Trudeau

Kung si US President Donald Trump ay gumawa ng paraan upang mapigil ang pagpasok ng mga Muslim immigrants at mga refugees sa kanyang bansa, malugod naman silang tinatanggap ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau.

Sa kanyang mensahe isang araw matapos na lagdaan ni Trump ang kontrobersyal na executive order, nag-tweet si Trudeau ng mensahe ng pagtanggap ng Canada sa mga refugees na nais tumakas sa digmaan at terorismo sa kanilang mga bansa.

“To those fleeing persecution, terror & war, Canadians will welcome you, regardless of your faith. Diversity is our strength #WelcomeToCanada,” mensahe ni Trudeau sa Twitter.

Matatandaang nitong nakalipas na araw, pinirmahan ni Trump ang EO na nagsususpinde sa pagpasok ng mga refugees sa Amerika sa loob ng 120 araw.

Bukod dito, ipinag-utos rin ni Trump na dumaan sa masusing ‘screening’ ang mga biyahero na magmumula sa mga bansang Iran, Iraq, Libya, Somalia, Syria at Yemen sa susunod na tatlong buwan.
Dahil sa kautusang ito, maraming mga byahero ang hindi agad pinalabas ng paliparan sa kanilang pagdating sa Estados Unidos na nagdulot ng matinding kalituhan.

Agad namang pinigil ng US federal court judge ang naturang kautusan at pinahinto ang deportation ng mga refugees na naharang sa mga paliparan sa Amerika.

Read more...