Sa kaniyang isinumiteng demurrer, sinabi ni dating PCSO board member Ma. Fatima Valdes sa First Division ng Sandiganbayan na dapat ibasura na nito ang kaso laban sa kaniya, tulad ng ginawa sa mga kapwa niya board members noong April 2015.
Binanggit rin ni Valdes ang desisyon ng Korte Suprema noong July 2016 kung saan ibinasura ang plunder case laban kay Arroyo, na nag-hudyat ng kaniyang kalayaan matapos ang apat na taong detensyon.
Iginiit pa ni Valdes na kung ano ang ruling sa mga kapwa niya akusado ay dapat ring pairalin sa kaniya, alinsunod sa doctrine of stare decisis.
Ayon kasi sa naturang doktrina, ang conclusion na nagawa sa isang kaso ay dapat ipataw rin sa mga susunod kung pareho lang naman ang mga facts na ipinrisinta.
Ani Valdes, sinunod lang ng mga prosecutors ang mga nasa nagdaang proceedings sa plunder case at hindi na nagdagdag ng iba pa.
Wala aniyang naidagdag ang prosekusyon ng kahit anong karagdagan o specific na ebidensya na magagamit lamang laban kay Valdes, at susuporta sa isang conclusion na dapat iba ang maging trato sa kaniyang kaso kumpara sa mga kapwa niya akusado.
Idinagdag pa ni Valdes ang kakulangan ng ebidensyang nagpapatunay ng sabwatan sa pagitan ng mga PCSO board members, at iginiit na nag-request si dating PCSO general manager Rosario Uriarte ng karagdagang intelligence fund nang walang pagpayag mula sa mga board members kabilang siya.
Si Valdes ay nakalusot sa pagkakaaresto kaugnay ng PCSO funds case sa nagdaang apat na taon, tulad ni Uriarte. Muli lang lumutang si Valdes nitong mga nagdaang buwan matapos magwagi si Arroyo sa kaniyang kaso.