Sobrang palpak na itong sistema nating “one police force, national in scope”. Noong araw, ang “peace and order” sa bawat lungsod at lalawigan ay responsibilidad ng mayor o gobernador. Kapag malaki ang gulo, tutulungan ng PC (police auxiliary force) ang local police kasama ng NBI at DOJ. Ganito rin sa Amerika na merong “National Guard” bilang dagdag na pwersa.
Kapag umabuso ang local police, tulad noong 1951 sa Negros Occidental nang maghasik ng lagim si Gov. Rafael Lacson at patayin ang kalabang si Moises Padilla. Pumasok ang sundalo sa utos ni Defense Sec. Magsaysa, maraming inaresto at nakulong si Gov. Lacson.
Sa ganitong sistema, napakalakas ng “check and balances” sa mga local, provincial police forces “constabulary”. Walang “criminal syndicates” na makapag-operate nationwide dahil nagbabantayan ang mga lokal at national police force o PC. Mismong si PNP chief De la Rosa ay nagsabi na mas maganda at matindi ang disiplina ng mga pulis noong sila’y under pa ng PC-INP.
Hindi tulad ngayon na ang “monolithic police command” na PNP ay naging pugad ng mga tiwaling pulis, mga kabaro, ka-mistah o kakampi sa mga “illegal activities” sa buong bansa. Mga opisyal na nagbibigay proteksyon sa mga sindikato ng mga ilegal na sugal, prostitusyon, carnapping, kidnap for ransom at ngayo’y tokhang for robbery extortion. Kung mabagal o inutil ang PNP chief, walang mangyayari tulad ngayon. Walang boses ang mga local mayors at governors dahil wala silang poder sa organisasyon ang PNP.
Malungkot pero totoo ang sinasabi nitong si Lord Acton,’ Absolute power corrupts absolutely’. Hindi na maitatago ang tatawagin nating “criminalization” ng PNP tulad pagpatay sa South Korean businessman Jee-ick Joo sa loob mismo ng headquarters nito. At ang CCTV ng sampung pulis sa tokhang for robbery extortion na napanood sa Senado. Nandyan pa ang patuloy na pagtanggap ng “matics” sa mga opisyal ng PNP mula sa mga pambansang sindikato ng “jueteng” “masiao” at ngayo’y “illegal drugs. At karaniwang sangkot dito ay mga matatas na opisyal tulad ng Euro-generals at colonels.
Sobra na pong “centralized” ang kapangyarihan ng PNP . Bukod sa hindi nila kayang disiplinahin ang kanilang mga tiwaling tauhan , nagtatakipan pa silang magkakabaro.
Pero, ang pinakamasakit sa lahat, nawala nang tuluyan ang “check-and-balance grid” ng pulis at mga local officials sa ilalim ng demokratikong gobyerno.
Nasubukan na natin ang kasalukuyang PNP (1991) sa nakaraang 26 na taon. Ibalik na natin ang sistema ng PC-INP kung saan may “national police” at “local police” na magtutulungan at magbabantayan laban sa krimen. At bigyan ng mas malaki at mabigat na responsibilidad ang mga alkalde sa kanilang mga lugar sa isyu ng “peace and order”.