DOT dumipensa kung bakit hindi imbitado sa Miss Universe pageant si Robredo

Wanda Teo
Inquirer file photo

Nagpaliwanag ang Department of Tourism kung bakit hindi nabigyan ng imbitasyon para sa Miss Universe coronation day sa Lunes si Vice President Leni Robredo.

Sa panayam ay sinabi ni Tourism Sec. Wanda Teo na tanging mga slots na lamang para sa lower box seats ang available sa kasalukuyan at ayaw umano nilang dito papuwestuhin ang pangalawang pangulo.

Sinabi ni Teo na siya mismo ay gustong nandun sa araw ng koronasyon si Robredo pero hindi umano nila kontrolado ang pamimigay ng mga tiket para sa nasabing event.

Ipinaliwanag pa ni Teo na gusto niyang sa VIP section paupuin si Robredo kung saan ay makakasama niya sakaling manood sa coronation day si Pangulong Rodrigo Duterte pero okupado na raw ang lahat ng mga slots para dito.

Ang ilang mga miyembro ng gabinete at diplomats ay mananatili lang lower box seats ayon pa sa kalihim.

Kahapon ay tinanong ng mga mamamahayag si Robredo kung manonood siya sa Miss Universe coronation day.

Sinabi ng pangalawang pangulo na gusto niya sanang dumalo sa event pero hindi naman umano siya imbitado.

Read more...