Gerardo Santiago at SPO4 Roy Villegas, iimbitahan sa imbestigasyon ng Senado

Kuha ni Richard Garcia
Kuha ni Richard Garcia

Inaasahang ipapatawag ni Sen. Panfilo Lacson ang mga key witnesses sa karumaldumal na pagdukot at pagapatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado tungkol sa insidente.

Ayon kay Lacson, iimbitahin niya sina SPO4 Roy Villegas, na nagbigay detalye sa pagdukot at pagpatay kay Jee noong Oktubre, pati na ang dating pulis na si Gerardo Santiago na may-ari ng Gream Funeral Services kung saan natagpuan ang mga abo ng biktima.

Naniniwala si Lacson na mahalaga ang testimonya ni Santiago sa pagbibigay liwanag sa naging papel ni Sta. Isabel at ng kaniyang superior na si Supt. Rafael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group sa kidnap-slay case.

Nagtuturuan kasi aniya sina Dumlao at Sta. Isabel. Ayon kay Sta. Isabel, inutusan siya ni Dumlao na ibigay kay Santiago ang golf set ni Jee bilang pambayad.

Sakali aniyang makipagtulungan si Gerardo, maari niyang linawin kung sino talaga ang malapit sa kaniya, kung si Sta. Isabel ba o si Dumlao.

Inaasahan rin na ilalahad ni Villegas ang kaniyang mga first-hand knowledge kaugnay ng slay case. Siya kasi ang nagsabi sa mga otoridad na sinakal ni Sta. Isabel si Jee, at siya rin ang tumawag kay Santiago para tanggapin ang bangkay ng biktima kapalit ng golf set nito.

Dagdag pa ng senador, dapat makipagtulungan ang PNP sa AMLC upang malaman kung napunta sa bank accounts ni Sta. Isabel ang ransom na ibinayad ng pamilya ni Jee.

Read more...