Isa na namang biktima ng pagsabog ng isang liquified petroleum gas (LPG) refilling station sa Pasig City ang nasawi dahil sa mga natamo nitong burn injuries.
Matatandaang naganap ang aksidente sa Omnigas Corp. noong January 11, sa Brgy. San Miguel, Pasig City.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Pasig ang pinakahuling biktimang nasawi na si Domingo Guira, 29-anyos na pumanaw sa Medical City hospital kahapon.
Pumanaw naman ang ika-siyam na biktima na si Raymart Eda, 22-anyos, sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City noong Miyerkules, habang ang kaniyang pinsan na kapwa niya empleyado na si Joel Eda ay nasawi naman noong January 17 sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Ayon sa BFP, nasa 21 katao ang nasugatan nang mangyari ang aksidente na dulot ng gas leak sa pasilidad.
Sa ngayon ayon kay BFP-Pasig investigation section chief Senior Insp. Anthony Arroyo, 11 na biktima pa ang nananatili sa ospital.
Wala rin aniyang ni isa sa mga kaanak ng mga biktima ang nagbabalak na magsampa ng kasong kriminal dahil sa aksidente, dahil sinagot naman ng kumpanya ang lahat ng mga gastusin mula sa pagpapagamot at pagpapalibing ng mga biktima.