Nagkaroon ng tensyon sa harap ng gate ng Camp Crame sa Bonny Serrano Avenue sa Quezon City bago sumapit ang hatinggabi gn Sabado sa pagitan ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at ni Supt. Rafael Dumlao II na isa sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo na tumangging sumama sa umaaresto sa kanya.
Ayon kay Supt. Dumlao kinuha umano siya sa bahay niya dahil umano sa warrant of arrest na nakapangalan lang sa sa alyas “Dumlao,” kaya tumanggi siyang sumama sa mga kapwa niya pulis na umaaresto sa kaniya.
Pawang mga tauhan umano ng PNP Anti-Kidnapping Group at Anti-Illegal Drugs Group na kaniyang kinabibilangan ang mga umaaresto sa kaniya.
Sa kwento naman ng isang security guard na nakakita sa pangyayari, galing umano sa loob at lumabas ng Camp Crame si Dumlao kasama ang kanyang asawa.
Kasunod umano nina Dumlao ang mga kapwa nito pulis na humahabol sa kanila at pinakikiusapan silang bumalik sa loob ng Camp Crame.
Tumanggi naman na magsalita ang mga pulis na kumakausap kay Dumlao kung tunay bang inaaresto nila si Dumlao na siyang ginigiit nito.
Sa ngayon ay nakaalis na ng Crame si Dumlao matapos sumakay ng taxi, pero sinamahan pa rin siya ni Sr. Supt Acedero na siya umanong umaaresto sa kanya.