Tiniyak ng may-ari ng Gream Funeral Services sa Caloocan City na makikipagtulungan siya sa mga otoridad sa imbestigasyon sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Korean national na si Jee Ick Joo.
Si Gerardo Santiago, isang retiradong pulis, ay hawak na ngayon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos bumalik sa bansa mula Canada.
Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, sinabi ni Santiago na natatakot siya para sa kaniyang kaligtasan kaya ito humiling na magpasailalim sa kostodiya ng ahensya.
Nangako din umano si Santiago ng buong kooperasyon sa imbestigasyon sa kaso.
Tiniyak din sa NBI ni Santiago na sasabihin niya ang lahat ng kaniyang mga nalalaman hinggil sa pagdukot at pagpatay sa dayuhan.
Sa puneraryang pag-aari ni Santiago dinala ang mga labi ng biktima at doon din ito na-cremate.