Para matustusan ng Estados Unidos ang pagpapatayo ng pader sa southern border sa pagitan ng US at Mexio, sinabi ni President Donald Trump na papatawan niya ng 20 percent na tax ang lahat ng produktong mula sa Mexico.
Ayon kay White House spokesman Sean Spicer, nais ni Trump na mapag-aralan ang nasabing plano sa ginagawang pag-aaral ng U.S Congress sa tax overhaul package ng bansa.
Kung matutuloy ang pagpapataw ng buwis, sinabi ni Spicer na makalilikom sila ng $10 billion kada taon at matutustusan ang pagtatayo ng pader.
Kahapon, sinagot na ni Mexican President Enrique Peña Nieto ang mga patutsada ni Trump hinggil sa pagtatayo ng pader.
Hindi na rin itutuloy ni Nieto ang nakatakdang pakikipagpulong sana kay Trump sa Washington sa susunod na linggo.
Ito ay matapos banggitin ni Trump sa kaniyang twitter na mas mabuting hindi na lang magtungo sa Washington si Nieto kung hindi naman gagastusan ng Mexico ang pagtatayo ng wall.