Matatandaang kamakailan lang, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga rebeldeng NPA sa Makilala, North Cotabato na ikinasawi ng isa sa kanilang miyembro.
Nangyari ito habang nasa Rome ang mga kinatawan ng pamahalaan at NDF para sa pagpapatuloy ng peace talks.
Ayon kay Lorenzana, nagsimula talaga ito sa operasyon ng mga pulis na rumesponde sa reklamo ng mga pangingikil sa lugar, at humingi na lang sila ng tulong sa mga sundalo kalaunan.
Napag-alaman aniya nila doon na hindi pala ordinaryong kriminal ang target sanang operasyon kundi mga rebeldeng NPA.
Dumipensa naman si Lorenzana sa naunang akusasyon sa kanila ng NPA na sinasabotahe umano ng mga militar ang nagpapatuloy na peace talks.
Kinwestyon ng kalihim ang NPA kung bakit armado ang kanilang mga tauhan habang nasa matataong lugar, at iginiit na ang mga ito ang tunay na sumisira sa binubuong kasunduang pangkapayapaan.
Binanatan niya rin ang mga ito sa pagsusunog aniya ng mga bus sa South Cotabato mula noong Nobyembre hanggang Disyembre, dahil lang hindi nagbabayad ang may-ari ng bus line ng P2.5 milyon kada buwan sa rebeldeng grupo.
Nilinaw naman ni Lorenzana na nirerespeto nila ang peace talks, ngunit ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang mga operasyon lalo na sa mga lugar kung saan aktibo ang mga “lawless elements,” NPA man ang mga ito o hindi.