Ayon kay Bello, bukod sa pag-bisita sa libing ni Jakatia Pawa, layon niyang silipin rin ang kaso ng OFW na si Elpidio Nano na nahatulan rin ng parusang kamatayan noong 2008.
Nahatulan ng bitay si Nano dahil sa umano’y pagpatay nito sa kaniyang katrabaho at kapwa Pilipino na si Engineer Nilo Macaranas.
Umaasa si Bello na masasagip niya pa ang buhay ni Nano dahil as ngayon ay may mga negosasyon pa sa pagitan ng mga pamilya nina Nano at Macaranas, lalo’t pareho namang Pilipino ang mga ito.
Susubukan niya aniyang mahingi ang kapatawaran ng pamilya ng biktima, at sakaling mapagtagumpayan nila ito, posibleng maisalba nila ang buhay ni Nano.
Bukod dito, pupuntahan niya rin ang mga labor attaches sa Middle East at hihingin niya sa mga ito ang listahan ng mga OFWs na nakakulong, lalo na ang mga nasa death row.
Samantala, nabanggit ni Bello na pinagalitan niya ang isa sa kaniyang mga labor attaches sa Middle East dahil sa kabiguan nitong ipaalam agad sa kaniya ang nakatakdang pagbitay kay Pawa.
Kinomporonta niya ang nasabing labor attache, ngunit hindi aniya ito nakapagbigay ng katanggap-tanggap na dahilan kung bakit huli nang naipaalam sa kaniya ang sitwasyon ni Pawa.