Pres. Enrique Peña Nieto, tinutulan ang pagtatayo ng pader sa US-Mexico border

 

Mariing tinutulan ni Mexican President Enrique Peña Nieto ang pagkakaroon ng pader sa US-Mexico border tulad ng ipinatatayo ni US President Donald Trump.

Sa kaniyang recorded televised adress, iginiit ni Peña Nieto na paulit-ulit niyang sasabihin na walang babayaran ang Mexico na pagpapatayo ng kahit anong pader.

“I’ve said time and again; Mexico won’t pay for any wall,” ani Peña Nieto.

Kinukondena rin ni Peña Nieto ang desisyon ng Estados Unidos na ipagpatuloy ang pagbuo ng isang pader na lalong hinahati ang mga mamamayan sa halip na sila ay pagbukludin.

Aniya pa, “Mexico doesn’t believe in walls.”

Ito ang reaksyon ng pangulo ng Mexico matapos pirmahan ni Trump ang isang executive order na tumutupad sa kaniyang pangako noong siya pa ay nangangampanya, na magtatayo ng 3,200 kilometrong “impassable physical barrier.”

Iginiit rin ni Trump na ang Mexico ang pagbabayarin nila sa konstruksyon nito, ngunit tinanggihan ito ni Peña Nieto.

Dahil sa pagtanggi ng Mexican president, sinabi ni Trump na mas maiging kanselahin na lamang ang nalalapit na pagpupulong nilang dalawa sa January 31.

Sa kabila naman ng inihayag ni Peña Nieto na kahandaan na makipag-usap at makipagkasundo sa pamahalaan ng US, kinansela na rin niya ang pakikipagpulong kay Trump sa Martes, at ipinaalam na rin niya ito sa White House.

Read more...