Palasyo, hindi makikialam sa apela na itigil na ang Tokhang

 

Inquirer Photo / Erika Sauler
Inquirer Photo / Erika Sauler

Hindi manghihimasok ang Malacañang sa petisyong inihain na ipahinto na ang “Oplan Tokhang” na ginagamit ng administrasyon laban sa mga drug suspects.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kailangang sundin ang legal na proseso tungkol dito.

Mapagbigay naman aniya ang pangulo, basta’t idadaan lang sa pag-uusap kung saan magkakapantay ang magkabilang panig.

Kahapon kasi ay isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema para itigil na ng Quezon City police ang pagsasagawa ng “Oplan Tokhang” sa Payatas, Quezon City.

Sa ilalim kasi ng Oplan Tokhang, kinakatok ng mga pulis ang tahanan ng mga drug suspects at pakikiusapan ang mga ito na sumuko na.

Hinimok rin ng mga umaapela na protektahan ang pamilya ng mga na-Tokhang mula sa patuloy na pangha-harass ng mga pulis.

Muli namang iginiit ni Abella na hindi iniutos ng pamahalaan ang mga pagpatay na lumalaganap sa bansa.

Tinukoy naman bilang mga repondents sa petisyon ang Philippine National Police (PNP) na kinakatawanan ni Director Gen. Ronald dela Rosa, Quezon City Police District (QCPD) director S/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, Supt. Lito Patay, S/Insp. Emil Garcia, PO3 Allan Formilleza, PO1 James Aggarao, PO1 Melchor Navisaga at sinuman sa kanilang mga ahente.

Read more...