SPO3 Ricky Sta. Isabel, mayroong P20M net worth ayon sa DOJ

Inquirer Photo / Tarra Quismundo
Inquirer Photo / Tarra Quismundo

Dalawampung milyong pisong net worth, limang house and lots at apat na palapag na commercial building.

Ito ang mga pag-aari ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na suspek sa pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.

Sa pagdinig sa senado, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ang nasabing halaga ng ari-arian ni Sta. Isabel ay 2014 net worth ng pulis.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon lamang nito ng P8,000 sweldo kada buwan sa Philippine National Police (PNP) dahil sagad umano siya sa loan, kaya maraming kaltas sa kaniyang sweldo.

Pero ibinunyag ni Sec. Aguirre ang milyun-milyong pera ni Sta. Isabel at mga ari-arian.

Katwiran ni Isabel, law graduate ang kaniyang misis at magaling itong magpatakbo ng negosyo.

Ito aniya ang dahilan kaya mayroon silang ganoong pera dahil magaling sa negosyo ang kaniyang asawa.

Kinumpirma naman ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Director Roel Obusan na noong 2014, mayroon ngang mahigit P20 million na net worth si Sta. Isabel.

Noong 2015, mayroon na itong P17 million na halaga ng ari-arian.

Ayon kay Obusan, bilang Senior Police Officer 3 (SP03), si Sta. Isabel ay tumatanggap ng monthly pay na P25,394 at ang annual taxable income nito ay mahigit P350,000.

Sinabi ni Obusan na sa kanilang rekord, maliban sa limang bahay at lupa at commercial building, mayroon pang tatlong pag-aaring lote si Sta. Isabel sa Caloocan City, isang Hilux, isang Vios at dalawang motorsiklo.

 

Read more...