Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na binitay na si Jakatia sa Kuwait kaninang 3:19 ng hapon oras sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Airforce Lt. Col. Angaris “Gary” Pawa, kapatid ni Jakatia, na masakit para kanilang pamilya na mismong sa kapatid niya nalaman ang nakatakdang pagbitay dito.
Tumawag aniya kaninang alas singko ng madaling araw sa kanya si Jakatia kung saan ibinalita nito na bibitayin na siya ngayong araw.
Humingi pa aniya ng paumanhin ang Pinay OFW sa kanila partikular na sa kanyang nanay at hiniling na huwag pababayaan ang kanyang mga anak.
“Mga around 5’o clock in the morning, siya ang unang tumawag sa akin. Humingi siya ng paumanhin sa lahat ng kapatid niya, sa nanay ko dahil siya ay magpaalam na. Sabi ko, anong klaseng paalam, sabi niya bibitayin na po ako Kuya mga 8’o clock in the morning dito sa Kuwait.” ani Pawa.
Binanggit din ni Pawa na noong nagpunta siya ng Kuwait noong nakaraang taon, nagbigay sa kanya ng katiyakan ang abogado ni Jakatia na maisasama na niya ang kanyang kapatid pauwi ng Pilipinas.
“Actually, nung nandun ako sa Kuwait nung year 2016, may assurance na, na mismong abogada niya ang nagsabi na pagbalik ko ng 2017, dala ko ang kapatid ko, yun pala kabaliktaran pala ang nangyari.” dagdag pa ni Pawa.
Giit ni Pawa, dapat ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang tumawag sa kanila at nagsabi kaugnay sa pagbitay sa kanyang kapatid.
“Masakit para sa aming pamilya, dahil nanggaling mismo sa kapatid ko. Dapat yung embahada ng Kuwait ang tatawag sa akin, sa aming pamilya.” pahayag ni Pawa.
Pakiramdam ni Pawa, tila pinabayaan sila ng gobyerno dahil ilang administrasyon na ang nagdaan pero walang naging pag-usad sa kaso ng kanyang kapatid.
Bago pa man bitayin si Jakatia, sinabi ng kanyang kapatid na nakausap naman nito ang kanyang dalawang anak nang tumawag ito sa kanya kaninang umaga.
Iisa naman ang hiling ni Pawa para sa dalawang anak ng kanyang binitay na kapatid, ito ay ang mabigyan ng gobyerno ng scholarship ang mga bata.