Kinumpirma ni House Majority Leader Rodofo Fariñas na taga-Luzon ang dalawa sa tatlong incumbent Congressmen na kasama sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na taga-Mindanao ang isa sa narco-Congressmen.
Sinabi ni Fariñas na ang tatlo ay pawang mga kalalakihan.
Aniya, nakausap na niya ang isa sa tatlong kongresistang umano’y protektor ng ilegal na operasyon ng droga.
Pero itinanggi raw ng mambabatas na nagbibigay siya ng proteksyon sa sinumang drug personality.
Dagdag ni Fariñas, nagulat daw ang nakausap niyang kongresista kung papaano siya napabilang sa narco-list ni Pangulong Digong.
Sa ngayon aniya, patuloy ang validation ng liderato ng kapulungan sa pagkakadawit ng tatlong kongresista sa illegal drugs.
Nakatakda namang makipag-pulong si Fariñas sa mga PDEA official at kay PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa upang malaman ang batayan ng pagkakasabit ng tatlong kongresista sa narcolist o kung sino ang bumuo ng listahan.
Tiniyak pa nito na bibigyan ng due process ang mga kongresista, rason kaya hindi muna isinasapubliko ang mga pangalan nila.