Pinuna ni Alvarez ang pinasok na kasunduan ng DOTr sa malalaking negosyante para sa pagtayo ng common station ng MRT at LRT sa pagitan ng Trinoma at SM North Edsa sa Quezon City.
Kinuwestyon ng speaker kung kaninong interes ang pinanigan sa kasunduang ito.
Aniya, naitsapwera ang interes ng publiko dahil maglalakad pa rin naman ng malayo ang mga pasahero.
Hindi rin katanggap-tanggap kay Alvarez na umakyat sa P2.8 Billion ang halaga ng proyekto mula sa dating P780 Million lamang.
Pero depensa naman ni DOTr Usec. Raoul Creencia, dumaan ang proyekto sa masusing pag-aaral at nagkaroon ng dagdag na features kaya lumobo ang halaga ng proyekto.
Sa kabila ng paliwanag ng DOTr, nagbabala si Alvarez na mahaharap ang mga ito sa maraming kaso kung itutuloy ang pagtatayo ng MRT-LRT common station dahil wala itong alokasyon sa ilalim ng national budget.
Bukod dito, labag din daw sa Saligang Batas ang proyekto dahil walang legislative franchise ang consortium na nakakuha ng kontrata gayung obligado ito sa mga public utility infrastructure na gaya ng railway at airports.
Subalit ikinatwiran ni Creencia na sa ilalim ng build operate transfer law ay hindi na kailangan ang prangkisa.
Pero tinawag pa rin ni Alvarez na incompetent ang mga taga-DOTr.