P1 Million reward laban sa number 1 drug lord sa Iloilo

high-grade-shabuMay nakahandang isang milyong pisong pabuya para sa taong magkapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng umano’y Iloilo drug lord na si Richard Prevendido.

Ipinasa ngayong araw ng Iloilo Provincial Peace and Order Council ang isang resolusyon na nagpapahintulot kay Gov. Arthur Defensor na mag alok ng karagdagang P500,000 cash reward.

Una nang inaprubahan noong nakaraang Lunes ng City Peace and Order Council na pinangungunahan ni Mayor Jed Patrick Mabilog ang P500,000 na cash reward sa ikadarakip ni Prevendido.

Dahil dito, kabuuang isang milyong piso ang pabuya na matatanggap ng makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Prevendido.

Sinabi ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency na pinamumunuan ni Prevendido ang isa sa dalawang grupo na nagsusuplay ng iligal na droga sa Iloilo at Western Visayas.

Ang isa pa aniyang grupo ay pinamumunuan naman ng napaslang na umano’y drug lord na si Melvin Odicta.

Matatandaang napatay ng umano’y dalawang gunmen ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta matapos bumaba mula sa sinakyang barko sa pantalan ng Caticlan noong Lunes noong Agosto ng nakaraang taon.

Read more...