Tricycle driver, inaresto kaugnay sa insidente ng pamamaril sa isang taxi sa Maynila

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Hawak na ng mga pulis ang isang tricycle driver kaugnay sa naganap na pamamaril sa isang taxi dahil sa away-trapiko sa Earnshaw St., sa Sampaloc, Maynila kahapon, January 24.

Nakapiit na ang suspek na si Abdalan Macalalubo, 29-anyos matapos maaresto sa Arelgui st. Quiapo.

Tumugma umano ang tricycle ni Macalalubo sa itsura na nakunan ng CCTV.

Bagaman inamin ng suspek na pasahero niya ang namaril sa taxi ay sinabi niyang hindi niya ito kilala.

Gayunman, hindi naniniwala ang mga pulis kaya’t patuloy ang follow-up operation sa insidente.

Nakaligtas sa pamamaril matapos makatakbo ang driver ng taxi na si Eugenico Eniosan.

Nadamay din sa pamamaril ang dalawa pang nakaparadang taxi at isang bus.

Hinihinalang ang namaril ay ang driver din ng Nissan Sentra na nakaaway ni Eniosan matapos na maharangan sa daan nang magsakay ng pasahero ang taxi.

Nagkasagutan ang dalawa, bumaba ang driver ng kotse at saka binugbog si Eniosan at nang gaganti ang taxi driver ay tumakbo ang driver ng Nissan Sentra.

Makalipas ang dalawang oras bumalik ito sakay ng motorsiklo, umalis din agad at muling bumalik sakay naman ng tricycle at doon na walang habas na pinagbabaril ang taxi.

 

 

 

Read more...