Naaresto sa Balagtas, Bulacan ang driver na si George Pacis.
Si Pacis ang driver ng Valisno Bus na sangkot sa malagim na aksidente kahapon sa Novaliches na ikinamatay ng apat na pasahero. Sasampahan si Pacis ng reckless imprudence resulting to multiple homicide.
Sa kabila naman ng aksidente ay bumiyahe pa rin ang ilang mga units ng Valisno Bus Express.
Kahapon pa inanunsiyo ng pamunuan ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngunit ngayong umaga lamang inihatid at naihain ang suspension order sa naturang bus company. Si Eugene Maribao ng Legal Division ng LTFRB ang naghatid ng preventive suspension sa Valisno.
May mga Valisno bus units pa rin na nakitang bumibiyahe sa bahagi ng Quezon City kaninang umaga. Kung ito ay totoo, mula sa preventive suspension ay maaari itong mauwi sa tuluyang kanselasyon ng prangkisa ng Valisno Bus Express.
“Isa yan sa mga maaaring kunsiderasyon namin para tuluyang kanselahin namin ang prangkisa ng Valisno,” ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez.
Itinanggi naman ng dispatcher ng Valisno na bumiyahe pa ang ilan nilang drivers ngayong araw na ito. Ayon kay Doy Policarpio Garino, ang mga nakitang bus ng Valisno na nasa lansangan kaninang madaling araw ay pabalik na sa kanilang garahe dahil sa 24-hour ang biyahe ng mga ito. “Kahapon pa ‘yang mga ‘yan na-dispatch at walang nag-biyahe ngayong umaga,” paliwanag ng dispatcher na si Garino.
Hindi pa rin nakakausap ng LTFRB ngayon ang may-ari ng Valisno Bus Liner.
May anim na pu at dalawang units na bumibiyahe sa Metro Manila at sa probinsiya ang naturang bus company.
Samantala, ang mga pamilya ng mga namatay na pasahero ng Valisno ay tatanggap ng P150,000.00 na tulong mula sa LTFRB sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance ng ahensiya./Gina Salcedo