SPO3 Sta. Isabel, posibleng fall guy lang – Aguirre

 

File Photo

Kabilang sa mga tinitingnang posibilidad ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyanteng si Jee Ick Joo, ay na isang fall guy lamang ang nasasangkot na si SPO3 Ricky Sta. Isabel.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, base sa pahayag ni Sta. Isabel, na-frame up lamang siya at wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Jee.

Aniya, nagsumite si Sta. Isabel at ang asawa nitong si Jinky ng ebidensya para patunayang walang kinalaman ang pulis sa pagpatay kay Jee.

Kabilang sa mga isinumiteng ebidensya ng mag-asawa ay isang resibo sa isang bookstore noong October 18, 2016 na mismong araw kung kailan dinukot ang Koreanong negosyante.

Ayon kay Sta. Isabel, nasa isang bookstore siya sa Metro Manila kasama ang anak ng kaniyang superior na si Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Group Superintendent Rafael Dumlao.

Sinabi rin ni Jinky kay Aguirre na sinabi umano ni Dumlao at ni PNP Anti-Kidnapping Group Senior Superintendent Glenn Dumlao sa kaniyang asawa na sumunod lang sa “script” sa naturang kaso.

Nagsumite rin aniya si Jinky ng isang recording ng isang pag-uusap sa telepono kung saan nabanggit ang planong pagpatay ng mga pulis at na pinalabas na sila ang may kinalaman sa pagdukot at pagpatay kay Jee.

Bukod sa recording, isinumite rin ni Jinky ang isang CCTV footage kung saan makikita ang dalawang Toyota Hilux na may parehong plaka at kulay ngunit mayroong kaunting pagkakaiba.

Isa pang CCTV footage naman ang isinumite kung saan makikita ang pagbisita nina Rafael Dumlao at Senior Superintendent Allan Macapagal sa bahay ng mga Sta. Isabel.

Sakali aniyang totoo ang mga ebidensya, lumalabas na maiging pinlano ang nasabing operasyon.

Read more...