Duterte: “Walang ginawang krimen si Bato”

 

Photo courtesy of Sec. Bong Go
Photo courtesy of Sec. Bong Go

Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit hindi niya tinanggap ang pagre-resign ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, sa kabila ng mga panawagan sa kaniya na magbitiw na sa pwesto.

Umusbong ang mga naturang panawagan sa kasagsagan ng imbestigasyon tungkol sa kidnap-slay case sa South Korean businessman na si Jee Ick-joo.

Matatandaang dinukot si Jee ng isang grupong pinamumunuan umano ng isang tiwaling pulis na nanghingi pa ng ransom sa asawa ng biktima, ngunit pinatay din ito sa loob pa mismo ng Camp Crame.

Inabswelto ni Pangulong Duterte si Dela Rosa at iginiit na hindi naman dapat sibakin sa pwesto ang hepe ng Pambansang Pulisya.

Paliwanag ng pangulo, sa ilalim ng revised penal code, ang paggawa ng krimen ay nakadepende sa felony, malice o negligence.

Pero ayon aniya sa kaniyang pananaw, wala siyang nakikitang criminal intent sa panig ni Dela Rosa at iba pang mga opisyal kaugnay ng nasabing insidente.

Dagdag pa ng pangulo, wala namang may gusto na gawin iyon mismo sa kaniyang kampo.

Una na ring sinabi ng pangulo na mananatili sa pwesto si Dela Rosa dahil buo ang kaniyang tiwala dito.

Read more...