Truck owners at drivers na makakaperwisyo sa kalsada, kakasuhan na ng MMDA

Radyo Inquirer File Photo | Ricky Brozas
Radyo Inquirer File Photo | Ricky Brozas

Magsasampa na ng reklamo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga may-ari at driver ng truck na magdudulot ng matinding perwisyo sa traffic at pinsala sa mga lansangan sa Metro Manila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni MMDA Chairman Thomas Orbos, maghahain na sila ng reklamo laban sa mga may-ari at driver ng mga sasakyan na masisiraan at masasangkot sa aksidente na magdudulot ng grabeng perwisyo sa traffic.

Ang nasabing pasya ng MMDA ay kasunod ng perwisyong naidulot noong Martes ng isang 18-wheeer trailer truck na tumagilid sa bahagi ng U-turn slot sa Commonwealth Avenue kanto ng elliptical road.

Inabot ng mahigit dose oras bago naalis sa nasabing lugar ang truck at ang karga nitong container vans, dahilan para maperwisyo ng husto ang mga motorista.

Ani Orbos, sa susunod na mayroong mga sasakyan, partikular na ang mga naglalakihang truck na masisiraan sa kalye at magdudulot ng grabeng traffic at pagkasira ng property ay irereklamo na ng MMDA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang may-ari nito gayundin ang tsuper ng truck.

Paliwanag ni Orbos, maliban sa “obstruction” na idinudulot ng mga nasisiraan at naaaksidenteng sasakyan, malinaw din aniya ng pagiging “”road unworthy” ng mga ito kung sila ay tumitirik sa kalye.

“Mula ngayon magkakaso kami sa LTFRB, magrereklamo kami, hihingin naming ang kanselasyon ng kanilang prangkisa. Kapag nag-cause kayo ng matinding traffic, obstruction po iyan. Pati ‘yung pagiging road unworthy ng inyong sasakyan,” ani Orbos.

Maging ang pagiging overloaded ng mga truck ayon kay Orbos ay dapat responsibilidad ng mga may-ari nito.

 

 

 

Read more...