Mananahimik na si House Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang panawagang magbitiw na sa pwesto ni PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa, dahil sa pagkamatay ng Koreanong si Jee Ick Joo.
Ito’y matapos dumalo si Alvarez sa birthday party ni Dela Rosa kagabi sa Camp Crame kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Alvarez na kanyang naihayag na ang gusto niyang sabihin, at para sa kanya ay tama na iyon.
Kinailangan umano niyang magsalita dahil may malaking nangyaring krimen sa loob mismo national headquarters ng PNP.
Pagtitiyak ni Alvarez na “OK” na sila ni Dela Rosa, at sa kanyang pagdalo sa birthday party nito ay nagpapatunay lamang na nananatili silang magkaibigan.
Napag-usapan aniya nila ni Dela Rosa kagabi ang isyu ng resignation, nagkaliwanagan silang magkaibigan at pinayuhan niya ang PNP chief na ipagpatuloy na lamang ang ginagawang paglaban sa krimen.
Samantala, kinumpirma din ni Alvarez na hindi lamang dalawa kundi tatlo ang incumbent Congressmen na nasa narco-list ni Presidente Duterte.
Nauna na niyang sinabi na dalawa lamang ang nasa listahan pero tumanggi naman muli ang Speaker na pangalanan kung sino ang tatlong mambabatas na umano’y protektor ng drug personalities.