Idineklara na ang state of calamity sa bayan ng Datu Montawal sa Maguindanao matapos malubog sa baha ang lahat ng 12 barangay nito dahil sa malalakas na ulan at pag-apaw ng Kabacan River.
Ayon kay Datu Montawal Vice Mayor Otto Montawal, ipinasa na ng kanilang konseho ang resolusyon sa isang emergency session noong Sabado para isailalim na sa state of calamity ang buong bayan.
Ito ay para magamit ang kanilang calamity fund upang makatulong sa nasa 6,000 residenteng nabiktima ng pagbabaha,
Paliwanag ni Montawal, kapag umapaw ang Pulungi River, tiyak na susunod na aapaw ang Kabacan River, pati na ang Malitubog at Maridagao River sa North Cotabato, kaya nagiging catch basin ang kanilang lugar.
Lahat rin aniya ng 12 public schools sa kanilang lugar ay nalubog sa baha, kaya sinuspinde na rin nila ang mga klase mula noong Biyernes hanggang sa humupa na nang tuluyan ang pagbabaha.
Samantala, sa bayan ng Pagalungan, nasa 4,200 na pamilya sa kanilang mga barangay ang naapektuhan ng baha kaya inihahanda na rin nila ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong bayan.