Tinawag pa ni Trump ang mga mamamahayag na “among the most dishonest human beings on earth.”
May kinalaman ang mga banat na ito ni Trump sa media sa aniya’y mga ulat na kaunti lang ang mga taong dumalo sa kaniyang inagurasyon, kumpara sa mga dumalo sa inagurasyon noon ni dating President Barack Obama.
Giit ni Trump, umabot sa 1.5 million ang taong dumalo sa kaniyang panunumpa bilang bagong pangulo ng Amerika, na pinasinungalingan naman ng mga litratong nakuha ng media sa mismong araw na iyon.
Kalaunan ay ipinadala pa ni Trump ang kaniyang press secretary na si Sean Spicer upang humarap sa media at pagalitan ang mga reporters dahil umano sa kanilang mga maling ulat.
Ayon kay Spicer, nagkamali ang media sa bilang ng mga taong dumalo sa inagurasyon ni Trump, at isa aniya itong hakbang para hatiin ang bansa habang sinusubukan ni Trump na pagbukludin ang mga mamamayan.
Naging defensive pa ang bagong pangulo at ang kaniyang kampo, at sinabing ang pagiging palaban ni Trump noong panahon ng kampanya ay magpapatuloy lalo’t hawak na niya ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Ayon pa kay Spicer, ang inagurasyon ni Trump ang may “largest audience to ever witness an inauguration,” ngunit hindi ganito ang lumabas sa mga litrato kung saan ipinakitang napakalaki ng mga bakanteng espasyo sa lugar para sa mga manonood ng kaniyang panunumpa.
Dagdag pa niya, ang mga litratong ito ay ginagamit lang para maliitin ang malaking suporta na ipinakita ng mga taong nagtipun-tipon sa National Mall.
Sa kaniya namang talumpati sa harap ng mga empleyado at opisyal ng Central Intelligence Agency, sinabi niyang mayroon siyang “running war with the media.”
Aniya pa, pinalalabas ng mga mamamahayag na nakikipag-away siya sa intelligence community na aniya’y hindi naman totoo, at iginiit na mahal at inirerespeto niya ang mga ito.
Buong-buo rin aniya ang kaniyang suporta sa CIA, taliwas sa mga lumabas sa ulat noon tungkol sa mga banat niya sa intelligence community, kung saan inihalintulad niya pa ang mga ito sa mga Nazis.