Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG)-Central Visayas regional director Rene Burdeos, kumukonsulta na siya sa kanilang head office kung ano na ang sunod nilang gagawin, matapos suspendehin ang kapitan ng barangay na si Felicisimo Rupinta at ang pito nitong mga kagawad.
Bukod kay Rupinta, kasamang nasuspinde ang mga kagawad na sina Marky Rizaldy Miral, Antonieto Flores, Ryan Jay Rosas, Alio Tamundo, Domingo Ando, Marua Buanghug at Wilbert Flores.
Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito sa Central Visayas, at wala namang nakasaad sa batas kung sino dapat ang mga itatalaga sakaling lahat ng opisyal ng barangay ay pasuspinde.
Dagdag pa niya, naniniwala siyang si Pangulong Rodrigo Duterte ang may kapangyarihan para sabihin kung sino ang mga ipapalit sa mga suspendidong opisyal.
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pag-alis sa kapangyarihan at responsibilidad ng mga opisyal hanggang sa makumpleto na ang administrative adjudication sa kaso.
Ito ang naging aksyon ng Ombudsman sa reklamo ni Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas Director Yogi Filmeon Ruiz, dahil sa umano’y hindi pakikipagtulungan ng mga nasabing opisyal sa isang raid na isinagawa nila noong November 6, 2016.
Tatagal naman ang suspensyon ng mga opisyal sa loob ng hindi hihigit sa anim na buwan, at hindi sila tatanggap ng sweldo sa loob ng panahong ito.