Walong sundalo ang umano’y nasawi samantalang isa naman sa puwersa ng New People’s Army rin ang namatay sa sagupaan ng dalawang panig sa bayan ng Makilala, North Cotabato, Sabado.
Ito’y sa kabila ng katotohanang kasalukuyan pang nagaganap ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) sa Rome, Italy.
Ayon sa ulat ng 10th Infantry Division ng Army, araw ng Biyernes, rumesponde ang kanilang tropa sa reklamo ng pangha-harass umano ng mga rebelde sa isang sasakyan ng Santos Land Development Corporation (SLDC) sa Bgy. Malasila.
Gayunman, pagsapit sa Bgy. Biangan, nagkapalitan na ng putok ang magkabilang panig.
Nasundan pa ito ng isa pang encounter dakong alas-5:30 ng madaling-araw ng Sabado, kung saan napaslang ang isang hindi nakilalang rebelde.
Gayunman, ayon sa statement ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng NPA-Southern Command, nalagasan ng walong sundalo ang AFP sa naturang encounter.
Giit pa ni Sanchez, ang puwersa ng militar ang nang-harass sa kanilang hanay kaya’t napilitan silang gumanti ng putok.