Katutubong Badjao, pinagbabaril sa harap mismo ng anak sa Sampaloc, Maynila

Badjao
Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang katutubong Badjao matapos pagbabarilin sa Lacson Avenue, Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Jimmy Saed, isang ‘street dweller’ at kalalabas lamang umano mula sa Reception Action Center ng City Social Welfare and Development.

Kwento ng kinakasama ng biktima, galing sila sa Pampanga, at isang linggo pa lamang silang namamalagi sa Maynila.

Bigla na lamang umanong may dalawang lalaking naka-motorsiklo na lumapit saka pinagbabaril ang kanyang asawa sa harap mismo ng menor-de-edad na anak nito.

Ayon naman sa isa pang testigong si Raymart Mendoza, may mga lalaki raw na lumapit sa kanya at tinanong kung kasama niya si Saed.

Kwento ni Mendoza, palagi niyang nakikita ang biktima na naglalako ng mga nakaw na cellphone sa mga truck driver sa kahabaan ng Lacson Avenue.

Isa pa umanong kasama ng biktima ang nakatakas dala ang bag na may lamang mga nakaw na cellphone.

Iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung totoong sangkot ang biktima sa bentahan ng mga nakaw na cellphone sa lugar.

Read more...